ANGELES CITY — Sinimulan nang alisin ng kampo ni dating PNP Chief at ngayo’y tumatakbong alkalde ng Angeles City, Oscar Albayalde, ang kanilang mga campaign materials na nakakabit sa mga lugar na hindi awtorisado ng Commission on Elections (Comelec). Ang hakbang ay bahagi ng kanilang pagsunod sa umiiral na patakaran ngayong pormal nang nagsimula ang campaign period para sa mga lokal na kandidato.
Ayon sa kampo ni Albayalde, nais nilang maging ehemplo ng responsableng pangangampanya sa lungsod. Kaya naman bago pa man magsimula ang Grand Oplan Baklas ng Comelec, kusa na silang nagtanggal ng mga poster at streamer na nasa labas ng mga itinalagang common poster areas.
Pormal na nagsimula ngayong Biyernes, Marso 28, ang campaign period para sa mga lokal na kandidato. Kasabay nito, inilunsad ng Comelec ang Grand Oplan Baklas na layong linisin ang mga lansangan mula sa mga campaign material na nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar, gaya ng punong kahoy, poste ng kuryente, at pampublikong istruktura.
Sinabi ni Albayalde na ang pagsunod nila sa Comelec rules ay patunay ng kanilang layuning itaguyod ang malinis, patas, at makatarungang halalan. Dagdag pa niya, nais niyang ipakita na kahit siya ay dating mataas na opisyal ng pambansang pulisya, hindi siya exempted sa mga alituntunin ng batas.
“Bilang isang kandidato, dapat tayong maging huwaran sa pagsunod sa batas. Hindi natin kailangang magsabit ng posters sa kung saan-saan para makuha ang tiwala ng taumbayan,” ani Albayalde sa isang panayam. “Mas mahalaga ang mensahe ng kampanya kaysa dami ng poster.”
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Comelec sa mga kandidatong kusa nang nag-aalis ng mga campaign materials sa bawal na lugar. Ayon sa ahensya, mas mabilis nilang maisasagawa ang Oplan Baklas kung may kooperasyon mula sa mga politiko at kanilang supporters.
Inaasahan ng Comelec na magiging mas maayos at mas disiplinado ang lokal na kampanya sa darating na mga linggo. Samantala, nagpapatuloy ang paalala ng Comelec sa lahat ng kandidato na sundin ang tamang sukat, lokasyon, at uri ng campaign materials upang maiwasan ang posibleng diskwalipikasyon.
Source: CLTV36 News